Ebanghelyo: Mateo 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan, sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.
“Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Si Jesus ay nakaramdam ng napakalaking pagkadismaya sa mga taong namamahala sa templo at sa mga tagapagturo at tagapagpatupad ng batas. Hindi nila isinasabuhay ang kanilang itinuturo at nagpapahirap pa sa mga tao na tuparin ang mga utos. Kaya pinaalalahanan ni Jesus ang mga tao na huwag silang tutularan. Hindi nagbabago ang mga utos ng Diyos. Ang mga tao ang pilit na binabago ito. Napakaganda ng layunin ng mga batas pero dahil sa mga nagpapatupad nito, nagiging parusa ito sa mga tao. Ito ay isang paalala sa mga namumuno sa Simbahan. Magpalit man tayo ng Santo Papa o ng Obispo at Kura-Paruko, mananatili pa rin at hindi magbabago ang mga itinuturo dahil ito ang layunin ng Simbahan.
May mga pagkakataon na nadidismaya ang mga tao sa mga pari o mga lider ng Simbahan dahil nagkakamali rin sila. Pero kahit kailan, hindi magbabago ang Utos na dapat sundin. Hindi ang mga batas ang problema kundi ang mga namamamahala. Sa ating pamahalaan, hindi dahilan na may mga abusadong lingkod-bayan para hindi na tayo sumunod sa mga batas. Kailangan natin ng mga taong tapat na magpapatupad nito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022