Ebanghelyo: Mateo 15:29-37
Umalis doon si Jesus at pumunta sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Jesus, at pinagaling niya sila. Kaya namangha ang lahat nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sila sa daan.” Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito, at kaunting maliliit na isda.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pirapiraso – pitong punong bayong.
Pagninilay
“Lahat ng labis sa akin ay hindi para sa akin.” Ang ating katawan ay kasing halaga ng ating kaluluwa. Ang karamdaman at pagkagutom ay dapat pagsumikapan na matugunan hindi lamang para sa sarili higit sa lahat para sa kapwa. Ang pagsasagawa ng medical mission at feeding program ay maging adhikain nawa ng bawat isa sa atin. Naniniwala ako na lahat ng labis sa akin ay hindi para sa akin. Kaya magandang suriin ang aking pagkain dahil baka inaagaw ko na ito sa bibig ng aking kapwa. Ang pag-aaksaya ng pagkain ay dapat isiping malaking kasalanan dahil sa dami ng taong nagugutom. Kaya naman isang paraan ng malulusog na pamumuhay ay ang pagtantya ng tama lamang na kainin at maglaan ng halaga para sa pagpapakain ng mga nagugutom at walang sapat na pagkain. Ito ang itinuturo ng ating Panginoon pinagsumikapan niya na maibigay sa mga tao ang pangangailangang pisikal. Ito ay nagmula sa kanyang paghingi ng kung anung meron sa mga alagad, pagpapasalamat sa Diyos at paghahati-hati nito. Ang pagpaparami ng tinapay at isda ay milagrong maituturing. Katula nang kung paano nilikha ng Diyos ang Sanlibutan at kaparis din ng milagro ng pagbabago ng tinapay at alak na nagiging katawan at dugo ng ating Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





