Ebanghelyo: Mateo 18:12-14
Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
Paglilinay
Sa panahong ito ng Adbiyento at nalalapit na ang Pasko, huwag sanang mawala ang ating pagtuon sa mahahalagang bagay upang hindi masayang ang panahon ng biyaya, panahon ng paghahanda, at panahon upang linisin ang ating mga puso. Isipin natin na isa tayong tupa na nawala at ngayo’y hinahanap ng Panginoon. Kapag tayo’y kanyang natagpuan, nawa’y magbalikloob tayo sa kanya ng bukal sa ating puso. Ang mga sakramento ng simbahan ay naririyan upang tayo’y gabayan. Sa Sakramento ng Kumpisal tayo’y inaanyayahang magbalik-loob sa kanya upang pagkatapos ay mamuhay tayo ng ayon sa kanyang kalooban. Ito ang hangarin natin ngayong nalalapit na kapaskuhan at hindi ang mga materyal na bagay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021