Ebanghelyo: Mateo 11:28-30
Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay
“Pinalalakas niya ang mahihina.” May isang lalaki na madalas magtungo ng Blessed Sacrament chapel upang magdasal. Minsan, tinanong siya ng kanyang kaibigan kung bakit kinakailangan pa niyang pumunta sa isang liblib na lugar para makipag-usap sa Diyos gayong alam naman ng lahat na ang Diyos ay naroroon sa lahat ng dako. Sagot ng lalaki, “Ang Diyos ay matatagpuan sa lahat ng dako. Pero hindi ako”. Tunay na ang isang tao ay naghahanap ng lugar kung saan siya ay mapayapa at makakapag-isip ng matiwasay kung saan makakakuha ulit sila ng lakas para sa mga susunod na hamon ng kanilang buhay. Sumisimba tayo at umaatend ng mga recollection at retreat upang makausap ang Diyos. Sa dami ng ating mga problema at pinagkakaabalahan, hindi natin kailangang pasanin lamang ito ng mag-isa sa lahat ng oras. Kung magkagayon, hindi tayo makakatagal at babagsak tayo. Madalas ay nadadala tayo sa bigat ng ating mga ginagawa. Sa unang pagbasa, binigyang diin ni Propeta Isaias ang biyayang dulot ng Panginoon: “Pinalalakas niya ang mahihina, pinasisigla ang napapagal”. Malinaw kay Jesus na ang taong may mabigat na pinapasan ay bibigyan niya ng kaginhawaan. Kinakailangan natin ng malalim na ugnayan sa kanya. Simulan mong magkaroon ng personal na pakikipag-usap sa Diyos. Simulan mong magdasal, tinitiyak kong makakatanggap ka
ng kapahingahan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





