Ebanghelyo: Lucas 2:36-40
May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Pagninilay
Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.”Si Jesus ay katulad ng karaniwang mga bata na lumaki sa ilalim ng kanyang mga magulang. Inalagaan nina Maria at Jose si Jesus, na nagtuturo sa kanya ng mabuting- asal sa pakikitungo sa Diyos at sa tao. Dahil ang kanyang mga magulang ay mabubuting Judio, si Jesus rin ay isang mabuting Judio. Kahit sa kanyang panlipunang ministeryo, regular siyang dumalaw sa sinagoga at templo, mga lugar ng pagsamba para sa mga Hudyo upang sumamba sa Diyos. Ngunit unti-unti ding ipinapahiwatig ni Jesus na magbibigay siya ng tama at makatwirang pagpapaliwanag sa batas ni Moises. Nawa si Maria at Joseph ay patuloy na magbigay ng inspirasyon sa mga magulang para sa kanilang mga anak na maging katulad ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021