Ebanghelyo: Mateo 18:12-14
“Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.”
Pagninilay
I sa sa mga kinatitisuran ng mga naniniwala na sila ay mga taong matuwid ay ang panghuhusga sa mga itinuturing nila na iba sa kanila: mga hinuhusgahan nilang makasalanan, naliligaw ng landas, at matitigas ang ulo. Para sa mga nagkukunwaring mga banal ang mga itinuturing nilang mga makasalanan ay dapat pabayaan na at huwag nang pakialaman pa; sayang lang ang panahon na gugugulin sa kanila; o baka mahawa ka pa sa kanilang masamang gawa. Madali lang naman kasing manghusga. Bukod pa rito, ang panghuhusga sa kapwa na sila ay makasalanan ay nagbibigay ng paniniwala sa nanghuhusga na sila ay mas mabait, mas mabuti at mas mahal ng Diyos. Sino ba ang ayaw na maging ganito? Kaya lang, sila ay naliligaw na rin ng landas at nagkakasala. Huwag kang magpaparatang nang hindi totoo. Sino ba ang nakakaalam nang lubusan sa kalagayan ng tao? Diyos lamang! Delikado talaga ang nagtuturing sa kanilang sarili bilang matuwid. Hindi nila mararanasan ang awa, kalinga at pagpapatawad ni Jesus, isang karanasan na nagbibigay ng kalayaan, kapayapaan at kaligayahan na Diyos lamang ang makapagbibigay. Sayang!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022