Ebanghelyo: Lucas 2:16-21
Kaya nagmamadali silang pumunta at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila.
Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa Kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila.
Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon Siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa Kanya ng anghel bago pa Siya ipinaglihi.
Pagninilay
Lahat tayo ay naghahangad ng isang mapayapa at masaganang buhay ngayong bagong taon. Ito kadalasan ang dahilan sa likod ng iba’t-ibang ritwal at tradisyon na ginagawa natin sa pagsalubong sa bagong taon. Ngunit batid natin na sadyang maraming mga pangyayaring magaganap sa taon na ito, maganda man o hindi, na ating kakaharapin. Hindi man araw-araw na payapa at sagana ang ating buhay, nawa ito ay maging makahulugan. Tulad ni Maria, ingatan natin sa ating mga puso at pagnilayan ang nais ipakahulugan ng Diyos sa likod ng mga pangyayari sa ating buhay. Gaya ng mga pastol, nawa’y luwalhatiin at papurihan natin ang Diyos sa lahat ng ating maririnig at masasaksihang gawa niya sa ating buhay. Tandaan nating ang taon na ito, at ang sumusunod pang mga taon, ay taon ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021