Ebanghelyo: Mateo 2:1-12
Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng Kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.”
Nang marinig ito ni Herodes, naligalig Siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag Niya kaagad ang buong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas.
At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: “At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: Siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.”
Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi
sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka Niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “ Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa Kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa Kanya at makasamba.”
Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang Kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan Siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira.
At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
Pagninilay
Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay kaakit-akit. Noon pa man sa pakikipag-buno ni Moises laban sa mga pantas ni Faraon, nakilala na ng ibang bayan ang kaluwalhatian ni Yawe. At kahit si Balaam na propeta ni Haring Balak ay kumilala rin kay Yawe na makapangyarihan. Ang kuwento tungkol s mg pantas na dumalaw sa bagong sinilang na Panginoon ay nagpapahayag kung gaano kaakit-akit ang liwanag na dala ni Jesus. Ang mga ito ay nag-aral at hinahanap hanggang matagpuan ang liwanag. Kay Jesus nagningning at sumisikat ang liwanag ni Yawe. Kay Kristo Jesus ang lahat ay ginawang tagapagmana sa pangako ng buhay na ganap; sa lahat ng kumikilala na si Yawe nga ay “bigatin” at kapuri-puri. Si Jesus ay siyang ating tala, ang palatandaan sa ginawang pagliligtas ng Diyos sa atin. Paano nga ba natin kinikilala ang nagawang kabutihan ng Diyos sa atin? Ang iba ay sa pamamagitan ng “kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira.” Ngunit bago niyan, ang sinabi ng ebanghelyo tungkol sa ginawa ng mg a pantas ay “lumuhod sila at sumamba.” Ito marahil ay mas mahalaga kaysa paghahandog ng mga mamahaling dala. At sinabi pa: “At nag-iba sila ng daan paguwi…” Ang tunay na hantungan kung tayo ay natututong lumuhod at sumamba ay ang pag-iiba ng daan tungo sa kabutihan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021