Ebanghelyo: Marcos 6:45-52
Agad na pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin.
Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.”
Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.
Pagninilay
Iniwan sa ere. Isang karanasan kung saan biglang nawawala ang mga taong sa akala mo ay tutulong sa ‘yo. Marahil ganoon din ang naramdaman ng mga apostol. Nasaan na nga ba si Jesus? Sabi niya, susunod siya. Kasama natin siya nung masaya tayong nagbahagi ng mga pagkain kanina lamang. Pero nitong kailangan na natin siya, tila wala siya rito. Malamang naranasan na natin, o tayo ay nasa tulad na situwasyon ngayon, na para bagang wala ang Panginoon. Para tayong pinabayaan na malugmok at malunod sa bagyong kinakaharap natin.
Pinapaalala sa atin ng Ebanghelyo na malapit si Jesus sa atin sa lahat ng panahon, kahit na minsan ay hindi natin ito batid. Hindi ba nangako siya na “ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng kapanahunang ito”? Naniniwala ba tayo o gaya ng mga apostol, tayo ay natakot sa bagyo at nakalimutan ang mga pangako ni Jesus? Lagi nating tatandaan na alam na alam ng Panginoon ang pinagdadaanan natin. At kailangan natin ng lakas loob upang harapin ang mga bagyong kinakaharap natin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022