Ebanghelyo: Mateo 10:7-15
Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga may ketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad.
Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay.
Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
Pagpasok ninyo sa isan tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal.
At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon
Pagninilay
Matapos nating marinig ang mga pangalan ng mga alagad na binigyan ng kapangyarihan ni Jesus, ngayon ay mas naging detalyado ang kanyang mga habilin. Ang tanging dapat na dalhin nila ay ang mensahe: “Palapit na ang kaharian ng Langit.”
Ito rin ang dapat nating intindihin at hindi ang mga materyal na bagay na madalas inaakala ng mga tao na higit na kailangan. Kaya kadalasan ay nawawala ang tao sa direksyon at atensyon. Totoo namang mahirap maglakbay kung wala tayong kasiguraduhan sa ating pupuntahan. Pero ito rin naman ang gustong matutunan natin at ituro ni Jesus: Ang magtiwala sa Diyos. Hindi sa ating mga sariling kakayahan at kayamanan kundi sa Diyos.
Kapag pinangunahan tayo ng takot at pangamba, mas pinangungunahan na natin ang Diyos imbes na magtiwala sa kanya. Nawa’y matuto tayong umasa at magtiwala sa Diyos. Hindi niya tayo kailanman pababayaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022