Ebanghelyo: Mateo 13:54-58
Pumunta siya sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Di ba’t siya ang anak ng karpintero? Di ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya.
Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Pagninilay
Sa isang pagtitipon, isang bata ang lumapit sa akin at nagpahayag ng pagdududa sa pagmamahal ng Diyos. Sa murang edad daw ay napakahirap na ng kanilang buhay, iniwan siya ng magulang sa kaniyang tiyahin at mula noon ay palipat-lipat na lamang siya ng tirahan. Paano raw siya maniniwala sa Diyos kung buong buhay niya ay hindi naman siya nakaramdam ng pagmamahal at kalinga ng magulang. Muli ko siyang tinanong: “Ilang tao ang kumupkop sa’yo noong panahong walang-wala ka na?” “Marami po pero hindi ko sila kaano-ano. Hindi ako mahal ng aking magulang. Hindi ako mahal ng Diyos.” Ang pagtatapos ng aming pag-uusap sa huli ay maaaring nagiwan ng kaunting kasagutan sa napakarami niyang tanong: “Ang kabutihan ng Diyos ay madarama sa napakaraming paraan. Buksan mo ang pinto ng iyong puso. Ang mga taong kumupkop sa iyo ang kamay at paa ng Diyos sa iyong buhay. Dumarating Siya sa paraang hindi mo agad nakikita.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2021