Ebanghelyo: Juan 20:19-23 (o Juan 14:15-16, 23b-26)
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!”
Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon.
At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
Pagninilay
Pentekostes ang itinuturing na kapistahan ng Espiritu Santo. Ang pagbati ni Jesus, “Kapayapaan sa inyo… tanggapin ang Espiritu Santo!” ang malinaw na dahilan kung bakit at paanong punong-puno ng tapang at sigasig ang mga apostol sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Hindi nila inalintana ang pag-uusig, pati kamatayan, sa pagtupad sa atas ni Jesus na gawing mga alagad Niya ang buong mundo.
Nakilala’t naging special friend ko ang Espiritu Santo nang ako’y naging isang mongha. Sa Tatlong Persona ng Santisima Trinidad, naging daan ang personal na pakikpag-ugnay ko kay Jesus para matuklasan ko ang Espiritu Santo. Ginugulat ako ng Banal na Espiritu sa aking pang-araw- araw na buhay sa monasteryo. Pakiwari ko’y lagi Siyang nakabantay sa akin, itinatama at itinuturo ang mga paraan para malugod ang Ama sa akin.
Lahat tayo – pari, madre, mongha, tatay, nanay, mag-aaral, negosyante, atbp – ay ginagabayan ng Espiritu Santo. Ang problema lang ay kung abalang-abala tayo sa ibang bagay para mapansin Siya. Kailangang matutunan nating mag-iwan ng puwang ng katahimikan para maramdaman at marinig ang banayad na galaw at bulong ng Banal na Espiritu.
Iba’t iba ang mga kaloob ng Espiritu Santo. Bawa’t kaloob ay pangkabutihan. Dito natin matitiyak na espiritung banal ang umiiral sa ating mga pamayanan: nagbubunsod ng pagkakaisa ang pagsasakatuparan ng mga kaloob Niya. Walang lugar ang inggit, paligsahan at pakikipagtalo kung mula sa Espiritu ang mga kakayahang ginagamit natin sa paglilingkod.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022