Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.
Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.
Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.
Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nagaayuno para pakitang-tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
Ang salitang “pakitang-tao” na may ganitong ibig sabihin: nagkukunwaring tao ka subalit robot ka lang pala, o plastik ka naman. Ang karaniwang gamit ng salitang ito ay “pa-impress”.
Hungkag ang kabutihang-asal o kawanggawa na panlabas lamang. May merito ba sa langit ang serbisyo ng isang robot. Maituturing bang makatao ang plastik? Marami sa atin ang nasisiyahan sa papuri ng kapwa. May mga nangangailangan ng pagsang-ayon ng iba kahit alam naman nilang tama at mabuti ang kanilang ginagawa. Ang kahinaang ito’y nagdudulot ng kawalang-kalayaang maging tapat sa iyong pinaniniwalaan. Ito’y isang pagkaaliping humahadlang mapanindigan ang iyong kakanyahan. At ito rin ang madaling makasira ng loob ng mga hindi pa naniniwala sa angking lakas ng katotohanan.
May kasabihan: “Lumulubog ang isang bangka, hindi dahil sa dami ng tubig na pumapaligid sa kanya kundi sa dami ng tubig na pumasok sa bangka.” Kung nakasandal tayo sa sabihin ng ibang tao, tiyak na ito ang ikapapahamak natin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022