Ebanghelyo: Mateo 7:1-5
Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
Pagninilay
Ang puwing at ang troso ay katawa-tawang larawan na ginamit sa ebanghelyo para maunawaan natin, hindi lang ang kabulagan kundi ang di-naaangkop na katayuan ng sinumang humahatol at nagpapataw ng parusa sa kapwa tao. Pare-pareho tayong mga nilalang ng Diyos. Paano at sino ang makapagbibigay ng atas at pananagutang husgahan ang tulad lang din naman nating marupok at may kapansanan?
Maaring mapagpalit, sa pagsasabuhay at sa pagmamasid, ang pagtuturo at ang paghatol. Sa paghahambing na gamit ang puwing at ang troso, madali nating matutunton na ang pagtuturo’y patungkol sa puwing at ang troso’y para sa naghuhusga. Dala ng naghuhusga ang bigat ng troso. Imposibleng matakpan ang mata ng maydala ng troso dahil mahirap buhatin ito sa taas at harap ng mata! Ang taong naghuhusga ay may mabigat na pasaning ibig sana nyang ipataw sa iba. Samantalang ang taong nagtuturo ay nakakakita ng maliit na puwing na nagiging sagabal sa pananaw ng kapwa. Hindi ito nakakabulag, nguni’t nakakasagabal. Kaya’t tunay na malasakit lamang ang dahilan kung bakit tutukuyin at pagsisikapang alisin ang puwing.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022