Ebanghelyo: Mateo 7:6, 12-14
Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain.
Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.
Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.
Pagninilay
Huwag itapon ang perlas sa mga baboy. Ang alam lang ng baboy ay kumain at ngumuya. Hindi nito nakikilala ang kaibahan ng mga bagay- bagay. Kung itinuturing mong mahalaga ang perlas, bakit mo ihahagis sa baboy?
Ang pagpasok sa daang singkipot ng butas ng karayom ay matalinghagang pananalita na magbubukas ng ating pananaw upang suriin kung anu-ano ba ang tunay na mahalaga sa atin. Huwag mong pahirapan ang sarili mo, piliting makaraan sa butas ng karayom na maraming sabit-sabit sa katawan.
Sa takbo ng mundo ngayon, ang higit na nakararami ay nahihila sa pagmamadali. Madalas ay hindi na napapansin kung ang hinahabol ay mahalaga o hindi. Ang laging hanap at tinatangkilik ay anumang makukuha ng walang kahirap-hirap: Instant mix, 3-in-1, light touch, one click, ready-made, RTW, pre-fab, at marami pang iba!
Ang tangi at mabisang pangontra sa turumpong ito ay pagtutok sa kasalukuyang sandali (presence to the present moment).
© Copyright Pang Araw-Araw 2022