Ebanghelyo: Mateo 7:15-20
Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga asonggubat naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan?
Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang bunga.
Pagninilay
“Nakikilala ang puno sa kanyang bunga.” Ako ang panganay sa aming magpipinsan. Bilang nakatatanda, hindi maiwasang tingalain ako ng mga mas nakababata sa akin. Mahalaga ang mabuting halimbawa kaya naman naging maingat ako sa aking pagkilos at pananalita upang may magandang matutunan ang aking mga pinsan sa halimbawa ko.
Nangyayari rin naman na nagsimulang mainam ang puno ngunit paglumaon ay nasisira ang bunga. May mga sangkap sa paligid na nakakapinsala at kung minsan ay dahil na rin sa kapabayaan. Ganito ang isinasalaysay sa Unang Pagbasa. Mabuting puno ang Israel ngunit ang pagsuway sa mga utos at pagtalikod kay Yawe ang nabulid sa kanila sa kapahamakan. Salamat na lamang at Diyos mismo ang gumagawa ng paraan upang mapanumbalik ang kanyang Bayan. Natuklasang muli ang Aklat ng Batas. Ang kasalukuyang hari ay handang ihatid pabalik kay Yawe ang kanyang mamamayan. Pinagtibay nilang muli ang Tipan kay Yawe. Ang puno ng Israel na nagsisimula nang mabulok at mamatay ay pinanariwang muli ng awa ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022