Ebanghelyo: Lucas 15:3-7
Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi.
Pagninilay
Ang Kamahal-mahalang Puso ni Jesus ay isang maalab na pugon. Kung sa Lumang Tipan ay ginagamit ang pugon bilang parusa sa mga ayaw kumilala sa mga diyos-diyusan ng imperyo, ngayon naman ang Banal na Pugon ay nagpapadalisay ng puso ng mga nais lumapit sa Diyos kahit tayo’y hindi karapat-dapat. Dahil dito’y hindi takot kundi lakas ng loob ang dapat namamayani sa ating paglapit sa Diyos nating tagapagligtas.
Alam ni Jesus sa tuwing ako’y naliligaw ng landas. Madalas ang takot ko’y hindi dahil baka hindi Niya ako matatagpuan o baka paluin ako sa aking paglihis at pagpapabaya. Ang takot ko’y dala ng sinadya kong lumayo at umiba ng landas. Hangga’t hindi ako napapasubo o napapahamak, ipagmamatigas kong huwag sambitin ang Kanyang pangalan. Alam kong nakaabang Siya’t naghihintay ng aking pagtawag. Hindi ko kailangang subukin kung gaano kahaba ang pagpapasensya Niya sa akin. Alam ko. Alam na alam ko. Kaya madalas ay dito ako binubuyo ng kaaway. Tinatakot ako ng manunukso na lumabas na ako sa hangganan, lumagpas na ako sa palugit, naubos na ang pasensya ng Diyos! Mga kasinungalingang nagtatagumpay lamang sa mga hindi nakilala nang lubusan kung paanong sumalubong at yumakap ang PUSO ng Diyos.
Kaya’t ipinagdiriwang natin ang dakilang kapistahan ng Mahabaging Puso ni Jesus upang alisin ang takot at palitan ng kumpyansa ang laman ng puso ng tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022