Ebanghelyo: Lucas 6:36-38
Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay
kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay
“Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo”. Ipinahayag sa atin na mayroong sukatan ang pagiging isang mabuting Kristiyano. Kung mayroong standard sa pagiging isang mahusay na empleyado o pagiging isang magaling na estudyante, o pagiging isang matagumpay na negosyante, mayroon ding standard ang pagiging Kristiyano. Sa umpisa ng Ebanghelyo, mayroong sinabi na standard, “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain.” Sa pahayag na ito, itinatag ni Jesus ang isang katangian ng Diyos na maaari nating tingnan bilang pamantayan o standard. Sa ikalawang pahayag naman, binaggit ni Jesus kung paano natin masusunod ang nasabing pamantayan. Sinabi niya: “Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan”. Ibig sabihin, upang maging maawain gaya ng Ama, dapat naisin natin na gawin ang mga bagay nagdudulot ng pag-ibig at awa. Noong 2016, nagdiwang ang Simbahan ng Di-pangkaraniwang Hubileo ng Awa (Extraordinary Jubilee of Mercy). Sa pagdiriwang na iyon, winika ni Papa Francisco sa Misericordiae Vultus na: “Awa: (ito) ang tulay na nag-uugnay sa Diyos at sa tao, na nagbubukas sa ating mga puso sa pag-asang mahalin magpakailanman sa kabila ng ating pagiging makasalanan.” Si Jesus ang perpektong larawan ng Diyos at ipinakita Niya ang pag-ibig ng Diyos na mahabagin at mapagpatawad sa pinakakumpletong paraan. Tinitiyak sa atin na kapag tumulad tayo kay Jesus, tayo ay tumutulad sa Diyos sa ating pakikitungo sa iba at binuksan natin ang ating sarili upang tumanggap ng kasaganaan mula sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





