Ebanghelyo: Lc 4: 24-30
At idinagdag niya: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
Pagninilay
Pinagpapala ang mga taong kumikilala at tumatanggap sa Diyos o sa kaninumang sugo Niya o anumang paraan ng pagpapadama Niya ng Kanyang presensya. Ang dala ng Diyos ay biyaya. Wala Siyang ninanais kundi ang makabubuti para sa atin. Subalit, kung minsan, hindi natin matanggap ang Kanyang pagpapala sapagkat iba ang ating inaasahan o sarado ang ating puso sa Kanyang mga pamamaraan. Si Jesus ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan dahil mayroon silang ibang hinihintay na tutugma sa kanilang ideya tungkol sa Mesiyas. Taliwas sa kanilang iniisip ang pagiging Mesiyas ni Jesus, bagamat nanatili Siyang pinagmumulan ng mga pagpapala sa mga taong kumilala sa Kanya. Matutukoy lamang natin na ang mga nagaganap sa ating buhay ay kaloob ng Diyos kung mayroon tayong malalim na ugnayan sa Kanya. Anumang mukha ang ipakita ng Diyos sa atin, makikilala natin Siya – ito man ay nasa karanasan ng kahirapan o kaginhawahan, ng pagkabigo o tagumpay, ng kalungkutan o kasiyahan. Gumagaan ang kalooban ng isang mananampalataya sa kabila ng lahat sapagkat kumikilala siya sa Diyos na mapagpala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024