Ebanghelyo: Mateo 20:17-28
Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa, at habang nasa daan ay sinabi niya sa kanila: “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit babangon siya sa ikatlong araw.” Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Bilang mga napabilang sa labindalawa na pinili ni Jesus upang maging alagad Niya, nakita natin na maging sa kanilang grupo ay mayroong naghahangad na maging pinakamalapit at tinatangi ng kanilang Guro. Ngunit nakita ni Jesus ang kanilang mga puso at ninais Niyang linawin kung ano ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa Kanya. Nilinaw niya na: “wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Ang tunay na kadakilaan ay para sa mga nagpapakababa. Kaya nga, dito ay consistent ang Diyos sa mga sumusunod sa kaniya. Ang itinataas ay ang mga nagpapakababa. Mas nauunawaan natin ang sinabi ni Jesus na “ang gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo”. Kaya tinatawagan tayong lahat ni Jesus na huwag maging ambisyoso, kundi maging buo ang puso sa tunay na paglilingkod sa kapwa. Ang asamin natin ay ang langit sa pamamagitan ng paglilingkod, na tulad ni Jesus, na nagalay ng kaniyang sarili sa pamamagitan ng krus. Nawa’y ang hangarin natin ay hindi ang maging pinakamataas sa lahat, kundi ang maging mababa ang loob tulad ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





