Ebanghelyo: Mt 18: 21-35*
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.
(…) Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. (…) Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwalingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. (…)’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.”(…)
Pagninilay
Alin ba ang mas mahirap gawin – ang magpatawad o humingi ng tawad? Kung ang iniisip lamang ng tao ay ang sarili niyang kapakinabangan, mas madali sa kanyang humingi ng tawad. Magagawa niya ito nang balat-kayo o pakitang-tao lamang para hindi tuluyang masira ang kanyang reputasyon sa harap ng taong nagawan niya ng pagkakamali. Subalit, magiging mahirap sa kanya ang magpatawad sa iba sapagkat sarili lamang niya kanyang iniisip. Tayong lahat ay patuloy na inuunawa ng Diyos. Kung lumalapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal, tiyak na tayo’y napapatawad sa ating mga kasalanan. Inspirasyon natin ang kabutihan ng Diyos sa gitna ng ating pagkakamali dahil palagi Niya tayong binibigyan ng panibagong tsansa o pagkakataon para magbago, makabangon, o bumawi. Kung magiging ganito rin tayo sa ating kapwa – nagpapatawad sa kanilang pagkakamali – magiging mapayapa ang ating pagsasama. Ang tunay na pagsisisi at karanasan ng pagpapatawad ng Diyos ang ugat ng pagpapatawad natin sa ating kapwang nagkakamali.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024