Ebanghelyo: Juan 7:40-53
Maraming taong nakarinig sa mga salita ni Jesus ang nagsabing: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Mesiyas.” Ngunit sinabi ng iba pa: “Sa Galilea ba manggagaling ang Mesiyas? Di ba’t sinabi ng Kasulatan, na sa binhi ni David at mula sa Betlehem na nayon ni David galing ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay.
Kaya nagbalik ang mga bantay ng Templo sa mga punong-pari at mga Pariseo, at sinabi naman ng mga ito sa kanila: “Ba’t di n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap gaya ng pangungusap ng taong ito.” Kaya sinagot sila ng mga Pariseo: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong nanalig sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: mga isinumpa sila!”
Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginagawa?” Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo’t tingnan, mula Galilea’y walang lumilitaw na Propeta.”
At umuwi ang bawat isa sa kanila.
Pagninilay
Kailanma’y wala pang taong nangusap gaya ng pangungusap ng taong ito.” May kung anong nakita ang mga sundalo kay Jesus kung kaya’t hindi nila ito nagawang dakpin gaya ng pinag-utos ng mga Pariseo. Nabighani marahil sila kay Jesus. Gayun na lamang ang epekto ng mga salita ni Jesus sapagkat hindi ito hiwalay sa kung ano ang kanyang ipinapakita. Hinayaan marahil ng mga sundalo na tunay na mangusap sa kanila si Jesus kung kaya’t nakita nila ang kakaiba sa kanya. Ito ang ipinagkait sa mga Pariseo sapagkat nananatili silang sarado ang isip at puso sa salita at gawa ni Jesus. Kailan tayo huling namangha sa kanyang mga salita? Kung hindi naman, baka unti-unti na rin tayong nagiging sarado gaya ng Pariseo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021