Ebanghelyo: Juan 8:1-11
Pumunta naman si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya’y, nangaral siya sa kanila.
Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babaeng huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi nila kay Jesus: “Guro, huling-huli sa akto ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maiparatang sila sa kanya.
Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala sa inyo ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.
Ang mga nakarinig nama’y isa-isang nag-alisan mula sa matatanda, at naiwan siyang mag-isa pati ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala bang humatol sa iyo?” At sinabi niya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayo’y, huwag nang magkasala pa.”
Pagninilay
Unti-unting napupuno ng mga matang mapanghusga at mapanghatol ang ating mundong ginagalawan. Dahil madali na lamang marinig ang balita at makita ang mga pangyayari sa kapaligiran bunga ng information technology, isang maling salita o maling galaw ay maaaring panghabambuhay na ikabit sa pangalan ng tao. Madali tayong makapagbitiw ng mapanghusgang salita sa paniniwalang tayo’y palaging tama. Madalas na ginagawang katuwiran na karapatan nating magpahayag ng ating opinyon maging ito ay mapanghusga. Ang babae sa ebanghelyo ay agarang hinusgahan. Nalimutan yata natin na tayo ri’y katulad niyang makasalanan. Hindi paghatol na magdidiin kundi habag at pang-unawa ang higit niyang kailangan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021