Ebanghelyo: Juan 8:21-30
Sinabi niyang muli sa kanila: “Aalis ako at hahanapin ninyo ako, at sa inyong kasalanan kayo mamamatay. Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinasabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon’?”
At sinabi ni Jesus sa kanila: “Taga-ibaba kayo; tagaitaas naman ako. Taga-mundong ito kayo. Hindi ako tagamundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mamamatay. Sa inyong mga kasalanan nga kayo mamamatay kung hindi kayo maniniwalang Ako Siya.
At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Ba’t pa kaya ako mangungusap sa inyo? Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagpadala sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya – ang mga ito ang sinasabi ko sa mundo.”
Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus: “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa iniaral sa aking ng Ama – ang mga ito ang aking sinasabi. Kasama ko nga ang nagpadala sa akin at hindi niya ako iniiwang nag-iisa pagkat lagi kong ginagawa ang mga kalugud-lugod sa kanya.”
Habang sinasabi ito ni Jesus, Marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay
Kailanma’y hindi mauunawaan ang puso ng Kristiyanismo nang hindi tumitingala sa Krus na siyang naging luwalhati ni Kristo. Kanyang luwalhati ang pagsunod sa kalooban ng Ama na s’yang nagligtas sa atin sa ating mga kasalanan. Samakatuwid, ang krus ang sa tuwina’y magpapaalala sa atin sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos – ang Diyos na nagpakababa upang tayo’y maligtas, ang Anak na walang ibang hangad kundi ang matupad ang kung ano ang kalugod-lugod sa Ama. Sa bawat pagtingala natin sa Banal na Krus, tayo’y magpasalamat sa biyaya ng kaligtasan. At gaya ni San Pablo Apostol, huwag hangarin ang pagmamapuri “maliban sa krus ng Panginoong Jesukristo…” (Gal. 6:14)
© Copyright Pang Araw-Araw 2021