Ebanghelyo: Juan 7:1-2, 10, 25-30
Pagkatapos nito, naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil balak siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang piyesta ng mga Judio, ang piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng kanyang mga kapatid sa piyesta, umahon din naman siya pero palihim at hindi lantad.
Kaya sinabi ng ilang tagaJerusalem: “Di ba’t ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan n’yo’t lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Alam nga kaya ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.”
Kaya nang mangaral si Jesus sa Templo, pasigaw niyang sinabi: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Ipinadala ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko siya pagkat sa kanya ako galing at siya ang nagsugo sa akin.”
Balak nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras.
Pagninilay
Ang karunungan ng Diyos ay di tulad ng sa tao. Ang oras ng Panginoon ay di rin tulad ng sa tao. Maraming mga pagkakataon na nadakip na sana si Jesus ngunit di ito naganap pagkat di pa dumating ang kanyang takdang oras. Nagpapakita ito ng kapangyarihan ng kalooban ng Diyos. Sa Kanya ang lahat ng panahon at nasa Kanya ang pagpapasya kung kailan matutupad ang kanyang plano. Matagal nang naghihintay ang sangkatauhan sa pagdating ng Mesiyas at darating Siya sa oras, lugar at pamamaraan na walang nakakaalam. Hinihintay nila ang isang Mesiyas na isang lider pulitikal na magliligtas sa kanila sa mga Romano. Sa halip, dala ni Jesus ang kaharian ng Diyos kung saan mapapalaya ang sangkatauhan mula sa pagkaalipin sa kasalanan upang maging karapatdapat sa makalangit na kaharian ng Diyos. I-alay natin sa Diyos ang lahat ng ating hangarin upang matupad ito ayon sa kanyang kalooban.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023