Ebanghelyo: Juan 8:1:11
Pumunta naman si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya’y, nangaral siya sa kanila.
Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babaeng huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi nila kay Jesus: “Guro, huling-huli sa akto ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maiparatang sila sa kanya.
Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala sa inyo ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.
Ang mga nakarinig nama’y isa-isang nag-alisan mula sa matatanda, at naiwan siyang mag-isa pati ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala bang humatol sa iyo?” At sinabi niya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayo’y, huwag nang magkasala pa.”
Pagninilay
Yumuko si Jesus at sumulat sa lupa gamit ang kanyang daliri. Ano kaya ang kanyang isinulat? O di kaya binigyan niya ng oras ang mga pariseo upang magisip? Madali lang sa atin na makita ang kamalian ng iba. Kaya naman, mas madaling sisihin ang iba kaysa tanggapin ang sariling sala. Makahulugan ang winika ni Jesus, “kung sino man ang walang kasalanan, siya ang unang pumukol ng bato sa kanya.” Mainam na bigyan natin ang ating sarili ng panahon upang magnilay. Suriin natin ang ating sarili upang matuto tayong sisihin ang sarili sa mga gawang di mabuti laban sa Diyos at kapwa. Kadalasan, nais nating unang pumuna sa sala ng iba upang di makita ang sarili nating sala. Tinuturuan tayo ni Jesus na sa halip tingnan ang kamalian ng iba, magnilay at magsisi tayo upang di na bumalik sa pagkakasala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023