Ebanghelyo: Jn 16: 29-33
Kaya sinabi ng kanyang mga alagad: “Hayan, lantaran ka na ngayong nangungusap, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya naniniwala kaming sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t may oras na sumasapit at sumapit na upang mangalat kayo – bawat isa sa sariling kanya – at iiwan n’yo akong nag-iisa. Ngunit hindi ako nagiisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpayan ko ang mundo.”
Pagninilay
Sa ating buhay, kailangan nating harapin ang mga pagsubok ng sakit, trahedya, natural na sakuna, at kasamaan. Tayong mga Kristiyano ay tinawag upang harapin natin ang pagsubok na may pagtitiwala at pananalig sa Diyos. “… tayo ay nagtatagumpay kahit sa ating mga kabagabagan, alam na ang kabagabagan ay nagbubunga ng pagtitiis, ang pagtitiis ay nagbubunga ng pagkatao, at ang karakter ay nagbubunga ng pag-asa— isang pag-asa na hindi tayo binigo, dahil ang pag-ibig ng Diyos ay bumaha sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay sa atin” (Roma 5:3, 5). Ang lakas ng loob ay ang kalidad ng pagiging handa na harapin ang mga pagsubok o kahinaan ng isang may malalim na pananalig at ugnayan kay Jesus. Dahil pinakita Niya mismo kung paano Niya napagtagumpayan ang lahat ng pagsubok dito sa mundo kahit ang kamatayan. Ang pagiging matapang ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng takot, bagkus sa kabila ng takot kailangang manalig at magtiwala sa kaloob na lakas ng Banal na Espiritu.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024