Ebanghelyo: Juan 16:20-23
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim. Naninimdim ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang kanyang oras. Ngunit pagkasilang sa sanggol, dahil sa galak ay hindi na niya naaalaala ang kagipitan: isang tao ang isinilang sa mundo. Gayon nga rin kayo naninimdim ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan sa inyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko.
Pagninilay
Sa kabila ng mga paghihirap at pagsubok sa buhay, may mga nakalaang tagumpay na makapagbibigay sa atin ng galak at tuwa. Si Jesus ay ang kaligayahan ng lahat. Sa kanyang pagkamatay lahat ay nanamlay at sa muli niyang pagkabuhay ito’y nagdulot sa atin ng tagumpay. Ang pagpapakasakit ni Jesus ay tanda ng kanyang malalim na pagmamahal sa Ama at sa ating lahat. Tinanggap niya ng buong puso ang kanyang misyon bilang manunubos, na nagturo sa atin ng tamang daan patungo sa tunay na kaligayahan, sa Amang nasa langit. Ang mga masasakit na karanasan natin sa mundo na dahilan ng ating pag-iyak ay mapapawi balang araw (Pag 21:3-4) at aalisin niya ang lahat na mga masasakit nating nararanasan dito sa mundo (Pag 21:3-4). Kung ang Diyos ay nasa ating buhay, kahit anong pagsubok pa man ang dumating ay di tayo matitinag.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020