Ebanghelyo: Juan 16:29-33
Kaya sinabi ng kanyang mga alagad: “Hayan, lantaran ka na
ngayong nangungusap, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya naniniwala kaming sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t may oras na sumasapit at sumapit na upang mangalat kayo – bawat isa sa sariling kanya – at iiwan n’yo akong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpayan ko ang mundo.”
Pagninilay
Maraming mga pagkakataon na nagsalita si Jesus sa kanyang mga alagad sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sa pagkakataong ito inihayag sa atin ng ebanghelyo ang tuwirang pangungusap ni Jesus. Sa ating buhay, minsan nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng mga sitwasyon na tila baga mahirap maunawaan. Kaya’t hindi natin maiwasan magtanong at mag-isip kung “pinapahirapan ba ako ng Diyos?” Nais ng Diyos na tayo ay mag-isip hindi para mahirapan, kundi’y binibigyan niya tayo ng kalayaan na unawain ang sitwasyon at malayang sundin ang ating puso nang naaayon sa kanyang kalooban. Sa bawat gawain na mayroon tayo, kasama natin ang Diyos. Ang bawat salitang ibinibigay ng Diyos ay isang paghahand upang sa oras na siya’y mangusap nang tuwiran sa atin dagli natin itong mauunawaan. Kung paanong ang mga alagad ay nagkaroon ng pagkaunawa dahil nakilala nila si Kristo bilang Diyos, tayo rin naman ay pagkakalooban ng katulad na biyaya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020