Ebanghelyo: Lucas 17:20-25
Tinanong siya ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng kaharian ng Diyos; di masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at di naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Subalit kailangan muna niyang magtiis ng marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.
Pagninilay
Ang ‘kaharian ng Diyos’ ay nangangahulugan ng presensya, pagmamahal at ng kanyang dakilang kabutihan. Paano ba natin nararanasan ang Diyos sa buhay natin ngayon? Pinapayagan ba nating maghari Siya sa buhay natin upang unti-unting manahan ang kanyang kaharian sa buhay natin at sa mundong ginagalawan natin. Nawa’y huwag lang nating hanapin ang presensya ng Diyos sa mga ‘di pangkaraniwang pangyayari at sitwasyon sa buhay natin. Tandaan na ang Diyos ay mas madalas na matatagpuan sa katahimikan ng ating puso at kapag pinili nating tahakin ang tuwid na landas. Panginoon, hayaan mo po kaming manahimik upang masilayan ka namin at ang iyong kaharian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020