Ebanghelyo: Lucas 17:20-25
Tinanong siya ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng kaharian ng Diyos; di masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at di naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Subalit kailangan muna niyang magtiis ng marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.
Pagninilay
“Sundan ang Kanyang mga yapak.” Ang pagnanais na makasama ang Diyos ay ganap sa puso ng bawat Pilipino. Laging buhay sa ating mga puso ang hangarin na makita ang Diyos sa iba’t ibang anyo. Ngunit paano nga ba natin Siya matatagpuan? Saan natin Siya mararamdaman at makikita? Paano natin mapupunan ang ating pananabik para sa Kanya? Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapaalala na hindi madaling makamtan ang hangaring ito. Sa pagdating ng Anak ng Tao, kinakailangan munang magtiis ng marami at itakwil ang pansariling kagustuhan. Bilang mga Kristiyano,
masusumpungan natin si Kristo kung susundan natin ang Kanyang mga yapak, yayamang dala-dala natin ang Kanyang pangalan. Hindi mawawala sa ating landas ang pagdurusa, sapagkat ang ating sinusundan, si Kristo, ay nagdusa para sa atin. Ialay natin ang ating sariling mga paghihirap sa Kanya. Sa ganitong paraan, mararamdaman natin na tunay na kasama natin Siya. Ang pananabik sa Diyos ay isang biyaya, isang tanda ng pag-asa, kahit na hindi pa natin natatagpuan ang kaganapan ng kahilingan. Ang taong ito ng Hubileyo ay paalaala na bilang mga manglalakbay, tayo ay puno ng pag-asa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





