Ebanghelyo: Lucas 10:21-24
Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
Pagninilay
Hindi marami ang mga pagkakataon na sinasabi sa Ebanghelyo na nagalak si Jesus. Pero sa salaysay dito mas higit ang naramdaman ni Jesus. Ayon sa pagkalarawan ni San Lucas, naguumapaw sa galak si Jesus. At hindi lamang Siya, kasama rin ang Espiritu Santo. Kasama rin ang Diyos Ama, sapagkat Siya ang kumilos upang
ang kagalakang ito ay madama ng mga maliliit. Diyos Ama rin ang nagkait naman nito sa mga marurunong at matatalino. Ang kagalakang ito ay ibinabahagi rin ni Jesus sa Kanyang mga alagad. Hindi ito naranasan pati ng mga propeta at hari. Kaya masasabi na ang mga alagad ay espesyal sa mata ni Jesus.
Mapalad din kaya tayo? Oo, mapalad na mapalad! Totoo hindi natin nakita, narinig, nakausap nang personalan si Jesus pero lahat ng mga pananalita Niya ay alam nating lahat sa pamamagitan ng Ebanghelyo. Ang Kanyang mga ginawa ay nakasaad din doon.
Pero nasa atin kung tunay nga na mapalad tayo. Magaganap ito kung susundin natin ang Kanyang halimbawa at mga utos. Mangyayari din ito kung tayo ay magiging mababangloob at magpapaubaya sa Kanya. Hindi Niya tayo bibiguin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022