Ebanghelyo: Lucas 16:1-8
Sinabi rin ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa Kanya na nilulustay ng katiwala ang Kanyang kayamanan. Ipinatawag Niya ito at sinabi sa Kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag Niyang isa-isa ang mga may-utang sa Kanyang panginoon. Tinanong Niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman Niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walongdaan.” Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.Pagninilay
Maparaan, madiskarte, maabilidad, marunong sa buhay. Ito ang mga katangiang madalas nating marinig na hinahangaan at dapat matutunan kung nais ng isang tao na umasenso at maging maunlad sa buhay. Sa kalakaran ng anumang trabaho, ang mga katangiang ito ay mahalagang sangkap upang magtagumpay. Ito rin marahil ang nais ipabatid ni Jesus sa pagpuri Niya sa naging diskarte ng di-matuwid na katiwala. Kung maparaan tayo sa larangan ng pakikipagsapalaran sa buhay, hindi ba’t mas higit pa roon ang dapat nating gawin sa ating buhay pananampalataya? Tayong mga anak ng liwanag ay marapat ding maging maparaan upang paunlarin ang ating buhay pananampalataya, masigasig sa pagpapahayag ng Mabuting Balita, maabilidad sa pagtulong sa nangangailangang kapwa.© Copyright Pang Araw-Araw 2019