Ebanghelyo: Lucas 10:1-9
Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t-dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa Kanya sa bawat bayan at lugar na takda Niyang puntahan. Sinabi Niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at ka – kaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala Siya ng mga manggagawa sa Kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa Kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.Pagninilay
Ang misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ay pakikibahagi sa misyon ni Kristo. Anumang misyon na inatang sa atin ay hindi indibidwal na gawain kundi pakikibahagi sa misyon ng komunidad – sa misyon ng Simbahan. Malinaw sa pitumpu’t-dalawang alagad na sila’y mga sinugo lamang sa mga bayang takdang puntahan ni Jesus. Samakatuwid ay paghahanda lamang sa pagdating ni Jesus ang kanilang takdang gawain. Sa bandang huli, ano mang mangyari sa ating misyon, magbigay man ito sa atin ng kabiguan o kawalang pag-asa, magtiwala tayong si Jesus pa rin ang magsasakatuparan nito. Tayo’y mga manggagawa lamang. Siya pa rin ang may-ari ng lupang anihan. Ganunpaman, idalangin natin sa Panginoon ng ani na magpadala Siya ng mga manggagawa sa Kanyang ani.© Copyright Pang Araw-Araw 2019