Ebanghelyo: Lucas 18:9-14
Sinabi rin ni Jesus ang talinghagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi Niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang tao – mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. ‘Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan Niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ “Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.Pagninilay
Mabuti na lang daw at hindi Siya katulad ng “mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid o kolektor ng buwis.” Sila nga naman ay mga makasalanan. Ngunit hindi ba’t pinatawad at pinangakuan ni Jesus na dadalhin nya sa paraiso ang magnanakaw na katabi Niyang nakapako sa krus (Lk 23:43). Hindi ba’t hindi Niya kinondena ang babaeng nahuling nakikiapid at akmang babatuhin hanggang sa mamatay (Jn 8:10). Hindi ba’t pinagmadali Niya si Zakeo, isang mandarayang kolektor ng buwis, upang bumisita sa Kanyang tahanan. Kung tutuusin ay parehas na makasalanan ang Pariseo at ang kolektor ng buwis na sabay na nanalangin. Ngunit ang tunay na panalangin ay nakaugat sa kababaang-loob. Buong kababaang-loob din nawa nating sabayan ang koletor ng buwis sa Kanyang panalangin: “O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.© Copyright Pang Araw-Araw 2019