Ebanghelyo: Lucas 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos Niya’y sinabi sa Kanya ng isa sa Kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang Kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin ninyo:
“Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangangkailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
Pagninilay
Tila may problema ang mga alagad ni Jesus sa panalangin. Nakita nila na madalas magdasal si Jesus at napansin nila ang kaniyang tiwala at sigasig tuwing nananalangin. Kaya lumapit sila kay Jesus na may kahilingan, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin”. Nagmumula sa ating sarili ang tunay na panalangin: itaas ang ating puso at isipan sa Diyos, humingi ng tawad at magbigay ng kapatawaran, humingi ng kung ano ang ating kailangan, at maging ligtas sa mga pagsubok na lampas sa ating lakas at kakayahan. Kaya kapag dinarasal natin ang Panalangin ng Panginoon na “Ama Namin”, maikli lang ito ngunit ang bawat pangangailangan na mahalaga ay nasasaklaw nito. Kapatid maglaan ka ng panahon at oras upang manalangin at handa ang Diyos na makinig sa atin kahit na anong oras.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021