Ebanghelyo: Lucas 12:1-7
Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat muna kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na di mabubunyag, walang natatago na di malalaman. Kaya naman, ang sinabi ninyo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong ninyo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag ninyong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawa pa. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, ito ang katakutan ninyo. Di ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Subalit isa man sa
kanila’y di nalilimutan ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok
sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga pa kayo kaysa maraming maya.
Pagninilay
“Tanggap ng Diyos kung sino man tayo.” Sa Ebanghelyo, ipinakita ni
Jesus sa kanyang mga alagad na maging maingat sa pagiging mapanlinlang at mapanira, na syang sumisimbolo sa Lebadura ng mga pariseo. Binibigyang diin ni Jesus ang kahalagahan ng pagiging tapat at bukas ang sarili sa harap ng Diyos sapagkat ang lahat ng lihim na ginawa natin sa daigdig ay ilalantad sa wakas ng panahon at totoong hindi ito mananatiling lihim lamang. Maraming pagkakataon sa ating buhay, pinipilit natin ang ating sariling magbalat-kayo; para sa mga pangarap o inaasam na tagumpay, kapangyarihan na nagnanais iangat ang sarili sa iba at kung minsan upang ipakitang tayo ay naiiba sa nakararami. Sa ating pagbabalat kayo, lumalayo tayo sa kung sino ba talaga tayo. Madalas gumagawa tayo ng mga maskara upang itago ang ating tunay na sarili sa iba. Isang napakahalagang paanyaya sa atin ng Diyos na tayo tanggap niya sa kung sino man tayo. Ito’y walang halong panghuhusga o panlalait sapagkat sa mga mata ng Diyos namumutawi ang malaking pagmamahal para sa atin. Nagpapasalamat tayo sa lahat na gumabagay sa mahihirap, lalo na ang pakikinig o pakikiramdam sa kanilang mga pangangailangan. Ang mga ito ay tanda ng maawaing pag-ibig ng Diyos. Hindi nga sila pinababayaan ng Diyos sa kanilang pagiging kasapi ng sambayanan. (rf. XVI Ordinary General Assembly of the Synod of Bishops, A Synodal Church in Mission 16.i)
© Copyright Pang Araw-araw 2025





