Ebanghelyo: Marcos 6:7-13
At tinawag niya ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lang.
At sinabi niya sa kanila: “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.”
At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring maysakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.
Pagninilay
Ang pagpunta sa isang lugar na hindi pamilyar ay naghahatid ng pangamba at walang kasiguruhan. Hindi ba’t natural ang maghanda ng mga kakailanganing bagay bilang paghahanda sa paglalakbay at sa kung anumang mangyayari sa daan? Anu’t-ano man ang maganap, hindi tayo magugutom, mauuhaw, maiinitan o malalamigan. Laging handa! Subalit hindi ito ang minarapat ni Jesus na gawing paghahanda ng sinugo niyang Labindalawa. Sa kabila ng kawalang kasiguruhan, dinadala tayo sa pananalig at pagtitiwala. Tayo’y pina-aalalahanan na ang ating Ama ay mapagkalinga at hindi nagpapabaya. Gayundin naman, ang tao’y may taglay na kabutihan at pagiging bukas-palad. Sa kabila ng ating kawalan, matuto nawa tayong manalig sa Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021