Ebanghelyo: Mateo 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”
Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay
May kaakibat na pananagutan ang bawat salitang ating binibitawan. Responsibilidad ang tugon sa bawat katanungan. Ang magkasintahang nagwiwika sa isa’t-isa ng “Mahal kita” ay may pananagutan sa isa’tisa. Gayundin sa pagpapahayag ng ating pananampalataya. Ang bawat pagbigkas ng “Ikaw Panginoon ang aking sinasamba” o “Pinupuri kita Panginoon” ay may kaakibat na responsibilidad na makita sa ating gawa at salita ang pagsasabuhay ng pananampalataya. Isang malaking kasinungalingan ang sabihing “Diyos ay pagibig” samantalang naghahangad ng kamatayan at kapahamakan ng iba. Mapalad si Pedro hindi lamang dahil naipahayag niyang si Kristo ang Mesiyas subalit dahil din sa kanyang pagiging bato, ang pananagutan niya sa Simbahan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021