Ebanghelyo: Mt 16: 13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay
Sa likod ng altar ng Basilika ni San Pedro kung saan nagmimisa ang Santo Papa ay may isang upuang nakataas. Ano ito? Bakit may kapistahan pa? Hindi naman upuan ang ipinagpipiyesta kundi ang kapangyarihan ng Santo Papa — ang kapangyarihang magturo na isinasagisag ng upuan. Sa araw na ito ay nakatuon nga ang pagdiriwang sa luklukan ni Pedro. Siya ang nangunguna sa mga apostol. Sa ebanghelyo, binigyan siya ng Panginoon ng kapangyarihan [magtali o magkalas]. Bilang pinuno ng mga apostol, siya ay may taglay na kapangyarihan sa Simbahan. Si San Pedro ang unang Papa at ang lahat na naging at magiging Papa ay kahalili ni Pedro. Igalang natin ang Santo Papa na siyang namumuno sa buong Simbahan. Pakinggan natin ang kanyang mga turo at tagubilin. Ipanalangin natin siya na bigyan ng kalusugang pangkatawan at pangkaluluwa upang magampanan ang napakabigat ng tungkuling nakaatang sa kanyang mga balikat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024