Ebanghelyo: Lucas 9:46-50
Nangyari na ikinabahala nila kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha Siya ng isang bata at pinatayo sa tabi Niya. At sinabi Niya sa kanila: “Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. At isa pa: ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.” At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin Siya dahil hindi Siya sumusunod na kasama namin.” Ngunit sinabi ni Jesus sa Kanya: “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.Pagninilay
Madalas sukatin ng mundo ang kadakilaan sa dami ng nagawa ng isang tao o di kaya’y sa taas ng Kanyang napag-aralan, bilang ng medalya ng karangalan at laki ng nagawang pangalan. Mas pinararangalan at hinahangaan ang may narating na at may masasabi sa buhay. Subalit ang lahat ng ito ay magiging walang saysay kung hindi nakaugat sa kababaang-loob. Wika ni Jesus: “Ang pinakamaliit sa inyong lahat ang pinakadakila.” Nais mo bang maging dakila? Magpakumbaba! Nais mong magpakumbaba? Maglingkod! Hindi katakatakang sa ating kasaysayan, yaong mga itinuturing na dakila ay yaong mga mapagpakumbabang naglilingkod sa kapwa.© Copyright Pang Araw-Araw 2019