Ebanghelyo: Lc 5: 33-39
Sinabi nila kay Jesus: “Madalas magayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyo.” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.” Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti’.”
Pagninilay
Natanong mo na ba ang iyong sarili kung ano ang dahilan bakit ka nilikha ng Diyos at nandirito ngayon sa mundo? Ano nga kaya ang natatanging dahilan kung bakit sa panahong ito ikaw ay nabuhay, at bakit dito sa parte ng mundo pa itinalaga? Marahil ay buong buhay mo ang kinakailangan upang ang mga katanungan na ito ay masasagot ng buong-buo. Tanging ikaw lang at ang Ama na Manlilikha ang tunay na makakasagot kung ano nga ba ang pinaka dahilan ng iyong buhay at layunin sa mundo. Ayon sa katesismo ng ating simbahan, ang tao ay nilikha upang kilalanin, mahalin, at paglingkuran ang Diyos, ng makamtan ang buhay na walang hanggan. Ang Diyos ay pag-ibig at kusang-loob at walangbayad na biniyayaan Niya ng buhay ang bawat isa upang makilala Siya, mahalin, at sambahin sa pamamagitan ng paglilingkod o pagpapatuloy ng misyon na sinimulan ng Kanyang kaisaisang Anak na si Jesus. Nais ng Diyos na ang bawat nilikha Niya ay maging bahagi at kasama Niya sa Kanyang Kaharian. Sabi nga ni San Pablo, tayo ay “katulong ni Kristo” upang maligtas ang tao sa kasalanan at kamatayan at mamuhay ng walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024