Ebanghelyo: Lc 6: 12-19
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nagumaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo. Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.
Pagninilay
Isa sa pinakamagandang halimbawa na itinuro ni Jesus sa sangkatauhan ay ang kahalagahan ng panalangin at pakikipag-ugnayan sa Diyos Ama. Bilang guro, ipinamalas ni Jesus sa kanya mismong buhay na ang pagdarasal ay napakahalagang bahagi ng Kanyang pagkatao. Isinabuhay Niya mismo ang Kanyang sinabi at itinuro. Sa wikang Ingles, ‘Jesus walked His talk.’ Ang pagdarasal ay hinanapan at binigyan Niya ng sapat na oras, at sa kabila ng napakarami Niyang ginawa at pinuntahan, nagtakda Siya ng oras at inilayo ang sarili sa mga maaaring manggulo o makapagambala sa Kanyang pakikipag-ugnayan sa Ama. Sa buong buhay ni Jesus, ang pagdarasal o panalangin ay hindi isinisingit lamang sa napakahaba ng iskedyul bawat araw. Ito ay isang prayoridad at nakahihigit ang halaga kaysa ibang gawain. Tunay nga na walang katumbas ang pagmamahalan ng Kabanalbanalang Santatlo (Holy Trinity), at ito ay ipinamalas ni Jesus sa buo Niyang pagkatao at pagkabuhay. Maihahalintulad ito sa mga ginagawa ng tunay na nagmamahal na sadyang naglalaan ng sapat na oras at yaman makapiling lang ang kanyang minamahal sa buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024