Ebanghelyo: Mateo 18:21-35
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses. Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwalingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.” Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, itinuturo ni Jesus ang tunay na kahulugan ng pagpapatawad. Madalas na mahirap magpatawad, lalo na kapag paulit-ulit na nagkakamali ang ibang tao. Ngunit tinuturuan tayo ng Panginoon na ang pagpapatawad ay hindi dapat limitado o sinusukat—dapat itong maging bukal ng awa na walang hangganan, gaya ng habag ng Diyos sa atin. Ang pagpapatawad ay isang paglabas mula sa tanikala ng sama ng loob at galit. Kapag tayo’y nagpapatawad, pinalalaya natin hindi lang ang ibang tao, kundi pati ang ating mga sarili. Ang pagkakulong sa galit at hinanakit ay isang uri ng pagkaalipin; ito’y naglalayo sa atin sa Diyos at sumisira sa ating pakikipag-ugnayan sa kapwa. Sa pagpapatawad, tayo’y nagiging malaya at nagiging mas malapit sa kalooban ng Diyos. Isa sa mga aral na maaaring baunin mula rito ay ang pagpapakumbaba. Tayong lahat ay makasalanan at nangangailangan ng kapatawaran. Kung paano tayo pinatatawad ng Diyos sa ating mga pagkakasala, dapat din tayong matutong magpatawad nang walang kapalit. Hindi tayo maaaring maging mapanghusga o matigas sa puso, dahil sa harap ng Diyos, pantay-pantay tayong nangangailangan ng Kaniyang awa. Ang paglimot sa nagawang mali ng iba ay hindi madaling gawin, ngunit ito’y isang hakbang patungo sa tunay na kapayapaan—isang kapayapaang nagmumula sa puso na puno ng habag at kababaang-loob.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





