Ebanghelyo: Juan 3:22-30
Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at tumigil siya roong kasama nila at nagbinyag. Nagbibinyag din noon si Juan sa Ainon na malapit sa Salim dahil maraming tubig doon, at may mga nagsisidating at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan. At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa kanya: “Rabbi, ang kasa-kasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatunayan mo, nagbibinyag siya ngayon at sa kanya pumupunta ang lahat.” Sumagot si Juan: “Walang anumang makukuha ang isang tao malibang ibigay ito sa kanya ng Langit. Kayo mismo ang makapagpapatunay na sinabi kong ‘Hindi ako ang Mesiyas kundi sinugo akong manguna sa kanya.’ Sa nobyo ang nobya. Naroon naman ang abay ng nobyo para makinig sa kanya at galak na galak siya sa tinig ng nobyo. Ganito ring lubos and aking kagalakan. Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”
Pagninilay
“Siya’y lubos na nagalak.” Para tapusin ang isang pagtatalo tungkol sa pagsunod sa mga tradisyon, nagbigay si Juan ng talinhaga. Kinumpara niya ang sarili sa abay ng nobyo, na pagkarinig sa tinig nito, siya’y lubos na nagalak. Sa kanyang pakikinig sa bawat tinig, naunawaan niya kung sino si Jesus, at kung ano ang dapat maging asal niya: ang magpakumbaba ng loob. Ito’y nagbigay sa kanya ng malaking kagalakan. Maraming tinig sa ating buhay, at nabibilang sa daliri ang mga tinig na galing sa langit. Marami ang tinig na galing sa mundo, o sa sarili. Minsan sumusunod ang tao sa tinig na nagsasabing: “Bakit ganyan sila sa akin? Sila ang mali at ako ang tama.” O kaya: “Ako ang agrabyado rito, ako pa ba ang hihingi ng paumanhin?” O kaya: “Malalaman niya kung sino ako, gaganti ako!” Ang mga tinig na hindi galing kay Jesus ay maaaring magbigay ng panandaliang saya, ngunit pangmatagalan na kalungkutan at pagsisisi. Kung matututo tayong sumunod sa tinig ng Diyos, mula sa halimbawa ni Juan Bautista, malalaman natin na ang kababaangloob ang siyang daan na magbibigay ng galak na walang katapusan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025