Ebanghelyo: Mateo 4:12-17, 23-25
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. Hindi siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali. Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. “Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagong buhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao. Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya. Kaya dinala sa kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling niya silang lahat. Sinundan siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.
Pagninilay
Ang kaharian na ipinangaral ni Jesus ay hindi isang kahariang pampulitika na pinamumunuan sa pamamagitan ng kapangyarihan at lakas. Ito ay maliwanag nang tinawag niya ang mga mangingisda bilang kanyang unang mga disipulo, na siyang naging pangunahing grupo upang ipangaral ang kaharian ng Diyos. Hindi pinili ni Jesus ang mga pantas o ang mga sundalong pinanday sa pakikidigma, ngunit mga simpleng mangingisda na malakas at matiyaga sa pagharap sa mga bagyo. Sila’y magtuturo sa mga
tao tungkol sa mabuting balita ng kaligtasan na ipinapahayag ni Jesus. Ito ay tunay na magandang balita dahil ang mga simpleng tao ay maaaring maging aktibo sa pagsasakatuparan ng kahariang ito. Ang kahariang ito ay nag-aalok ng libreng lunas sa mga taong may sakit. Ang mga mamamayan ng kahariang ito ay hindi kailangang maging sanay sa pakikidigma ngunit maging puno ng habag at pag-ibig sa mga maysakit, mga hinahamak at napapabayaan ng lipunan, yaong walang sinumang malapitan ng tulong. Sa pagsunod sa mga aral at halimbawa ni Jesus, tayo ay nagiging isang liwanag sa mundong ito na pinadilim ng materyalismo
at sekularismo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020