Ebanghelyo: Jn 6:44-51
Walang makalalapit sa akin kung hindi siya aakitin ng Amang nagpadala sa akin. At itatayo ko siya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: Tuturuan nga silang lahat ng Diyos. Kaya lumalapit sa akin ang bawat nakarinig at tinuruan ng Ama. Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay magpakailanman ang naniniwala. Ako siyang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa disyerto ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang makakain nito ang sinuman at di mamatay. Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.
Pagninilay
Si Jesus ay ang ating tagapagligtas, pag-asa at ang susi natin sa Ama. Siya ay ang tagapamagitan natin sa Ama. Siya ang bugtong na anak na ipinadala upang tayo ay turuan. Sa pamamagitan ni Jesus ang Ama ay nangangaral. Si Jesus ang naging boses ng Ama, siya ang tagapagpaalaala sa atin tungkol sa kalooban ng Diyos. Tayo ay tinuturuan ni Jesus upang maging mapagmatyag sa mga di-gawaing maka-Diyos. Patuloy niya tayong ginagabayan upang hindi tayo maligaw ng landas sa patuloy nating pakikinig sa kanya. Hilingin at ipagdasal natin na sana ay hindi tayo mawalay sa kanya, sa halip higpitan pa natin ang ating pananampalataya sa kanya. Si Jesus ang tinapay na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ang sinumang naniniwala at nakikinig sa kanya na may pananalig ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan ay tanda nang dakilang pag-ibig ng ating Amang Diyos. Ito na marahil ang pinakamagandang ginawa ng Diyos sa ating lahat. Iniligtas niya tayo kahit na ang kapalit nito ay ang pag-aalay ng kanyang Bugtong na Anak.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020