Ebanghelyo: Marcos 16:15-18
At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.”
Pagninilay:
“Humayo kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.” Limang siglo ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa Pilipinas! Taon ng biyaya ang taong ito sa Simbahan ng Pilipinas na nagdiriwang ng limandaang taon ng Kristiyanismo. Tunay na mas magiging makabuluhan ang pagdiriwang na ito kung patuloy na magiging matapat sa sugo ni Jesus na humayo. Ang ating Simbahan ay isang Simbahang humahayo lalo’t higit patungo sa mga lubos na nangangailangan at mga pinagkaitan. Ang ating Simbahan ay isang misyonerong Simbahan at tayong lahat bilang mga kabahagi nito ay mga misyonerong tagapagdala ng kagalakan ng Mabuting Balita. Katulad ni San Pablo na walang kapagurang apostol ni Kristo, tayo rin nawa ay patuloy na “humayo.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2021