Ebanghelyo: Lucas 5:27-32
Pagkatapos nito, nang lumabas si Jesus, nakita niya ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya.
Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang mga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo ang mga Pariseo at ang panig sa kanilang mga guro ng Batas sa mga alagad ni Jesus: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.”
Pagninilay
Tiyak na naging bulongbulungan ang ginawang handaan ni Levi at kung papaanong nagsama-sama sa iisang hapag ang mga kapuwa niyang kolektor ng buwis. Pinagpiyestahan marahil ang ginawa niyang piyesta na ang panauhing pandangal ay walang iba kundi si Jesus mismo. Isang iskandalong matatawag ng mga tao. Tayong nasa labas ng bahay ang pilit umuusyoso. Tayong piniling hindi makisalo sa hapag ang kritikal na pumupuna. Tayong mga “walang kasalanan” at mga “walang sakit” ang humuhusga. Subalit hindi ba’t tayong lahat ay kabilang din sa mga may sakit at makasalanan? Kapwa tayo tinatawag upang “magbago.” Buksan nawa natin ang ating mga puso tulad ng kung paano nagbalik loob si Levi.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021