Ebanghelyo: Juan 11:45-56
Kaya nanalig sa kanya ang marami sa mga Judiong pumunta kay Maria at nakasaksi sa kanyang ginawa. Pumunta naman sa mga Pariseo ang ilan sa kanila at sinabi ang mga ginawa ni Jesus.
Kaya tinipon ng mga punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian (o Sanhedrin) at sinabi: “Ano’ng gagawin natin? Marami siyang ginagawang mga tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at buburahin kapwa ang ating Banal na Lugar at ang ating bansa.”
At isa sa kanila, si Caifas na Punong-pari sa taong iyon, ang nagsabi: “Wala kayong kaalam-alam. Ni hindi n’yo naiintindihan na mas makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa sambayanan kaysa mapahamak ang buong bansa.”
Hindi sa ganang sarili niya ito sinabi kundi bilang Punong-pari sa taong iyon nagpropesiya siyang mamamatay nga si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin din at pag-isahin ang mga nakakalat na anak ng Diyos. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na lantarang naglibot si Jesus sa mga Judio, kundi umalis siya roon patungo sa lupaing malapit sa disyerto, sa isang bayang Efraim ang tawag, at doon siya tumigil kasama ang mga alagad.
Ngayon, malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem ang marami mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng sarili. Hinahanap nila si Jesus at nang nasa templo na sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa tingin ninyo? Hindi nga siya paririto sa piyesta?”
Pagninilay
Ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, inggit ang dahilan kung bakit gustong ipapatay ng mga Hudyo si Jesus. Sa kabila ng mga himala at mabubuting gawa ni Jesus, hindi nila natanggap na si Jesus nga ang hinihintay nilang Mesiyas. Nakapinid ang kanilang mga puso’t isipan. Sa kasalukuyang panahon, ganito rin ang nangyayari sa atin. Hindi makadaloy ang liwanag ng katotohanang patuloy na ibinibigay ni Jesus sapagka’t hindi tayo malaya. Nananatili pa tayong alipin ng kasa-lanan.
Gayun pa man sinasabi sa unang pagbasa na walang hanggan ang pagmamahal ng Panginoon nating Diyos, hindi lamang para sa mga Hudyo kundi para sa lahat. Gaano man kalaki ang ating kasala nan, ang kasuklam-suklam na diyus- diyosan at paglabag sa Kanyang mga kautusan, patuloy pa rin Siyang nag-mamahal. Handang linisin ng Diyos ang ating mga puso, palakasin ang ating kahinaan at ihatid tayong muli sa Paraisong ating iniwan dahil mas pinili natin ang kasalanan. Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito sa pama-magitan ng pananahan sa ating bukas at dinalisay na kalooban.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022